Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 9:1-8, 10-17

MATEO 9:1-8 ABTAG01

Pagkatapos sumakay sa isang bangka, tumawid si Jesus at dumating sa kanyang sariling bayan. Dinala nila sa kanya ang isang lumpo na nakaratay sa isang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.” Ang ilan sa mga eskriba ay nagsabi, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.” Ngunit palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip ay sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo sa inyong mga puso ng masama? Sapagkat alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan?’ o sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’ Ngunit upang malaman ninyo na sa lupa ay may awtoridad ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan,” kaya't sinabi niya sa lumpo, “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.” Tumindig siya at umuwi sa kanyang bahay. Nang makita ito ng maraming tao, sila ay natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.

MATEO 9:10-17 ABTAG01

Habang nakaupo siya sa may hapag-kainan sa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan at umupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Ngunit nang marinig niya ito ay sinabi niya, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Kaya, humayo kayo at pag-aralan ninyo kung ano ang kahulugan nito: ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog.’ Sapagkat hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.” Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, “Bakit kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang magluksa ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno. Sinuman ay hindi nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit; sapagkat binabatak ng tagpi ang damit at lumalala ang punit. Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang sisidlang balat; sapagkat kung gayon, puputok ang mga balat, at matatapon ang alak, at masisira ang mga balat; ngunit inilalagay ang bagong alak sa mga bagong balat, at pareho silang tumatagal.