Nang bumaba si Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao;
at lumapit sa kanya ang isang ketongin, at lumuhod sa harapan niya na nagsasabi, “Panginoon, kung ibig mo ay malilinis mo ako.”
Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, at hinawakan niya ito na nagsasabi, “Ibig ko. Maging malinis ka.” At nalinis kaagad ang kanyang ketong.
At sinabi ni Jesus sa kanya, “Ingatan mong huwag sabihin kaninuman, kundi humayo ka, magpakita ka sa pari, at ihandog mo ang kaloob na ipinag-utos ni Moises bilang patotoo sa kanila.”
Pagpasok niya sa Capernaum ay lumapit sa kanya ang isang senturion na nakikiusap sa kanya,
at nagsasabi, “Panginoon, ang aking alipin ay nakaratay sa bahay, lumpo, at lubha siyang nahihirapan.”
Sinabi niya sa kanya, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.”
Ngunit sumagot ang senturion at sinabi, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat sa iyo na puntahan mo ang aking bahay, ngunit sabihin mo lamang ang salita at gagaling ang aking alipin.
Sapagkat ako ay isang taong nasa ilalim ng awtoridad na may mga kawal na nasa ilalim ko. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at siya ay humahayo; at sa iba naman, ‘Halika,’ at siya ay lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa nga niya.”
Nang marinig ito ni Jesus ay namangha siya, at sinabi sa mga sumusunod sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel man ay hindi ako nakatagpo ng ganito kalaking pananampalataya.
Sinasabi ko sa inyo, marami ang manggagaling sa silangan at sa kanluran at mauupong kasalo ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng langit,
ngunit ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Doon nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”
Sinabi ni Jesus sa senturion, “Humayo ka na; mangyayari para sa iyo ang ayon sa iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang alipin nang oras ding iyon.