Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 7:2-14

MATEO 7:2-14 ABTAG01

Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo. Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata? O paano mong nasasabi sa iyong kapatid, ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ samantalang mayroong troso sa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong sariling mata at nang magkagayon, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid. “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain. “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan. Mayroon bang tao sa inyo, na kung humingi ng tinapay sa kanya ang kanyang anak ay bato ang ibibigay? O kung humingi siya ng isda ay bibigyan niya ito ng ahas? Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya? “Kaya, anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta. “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon. Sapagkat makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.

Video para sa MATEO 7:2-14