Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 6:16-24

MATEO 6:16-24 ABTAG01

“At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha; upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay. “Huwag kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw; kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso. “Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag. Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman! “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.