Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 3:1-2, 4-17

MATEO 3:1-2 ABTAG01

Nang mga araw na iyon ay dumating si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi, “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”

MATEO 3:4-17 ABTAG01

Si Juan ay nagsusuot ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at ng isang pamigkis na balat sa kanyang baywang. Ang kanyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan. Pumunta sa kanya ang mga mamamayan ng Jerusalem, ang buong Judea, at ang buong lupain sa paligid ng Jordan. At sila'y kanyang binautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan. Ngunit nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo ang nagdatingan upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyo upang makatakas sa poot na darating? Mamunga kayo nang nararapat sa pagsisisi. At huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama’; sapagkat sinasabi ko sa inyo, na kaya ng Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Ang bawat punungkahoy na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy. “Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig para sa pagsisisi ngunit ang dumarating na kasunod ko ay mas makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Kanyang babautismuhan kayo sa Espiritu Santo at sa apoy. Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay at lilinisin niya ang kanyang giikan. Titipunin niya ang kanyang trigo sa kamalig, subalit ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay.” At mula sa Galilea pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya. Ibig siyang hadlangan ni Juan, na nagsasabi, “Ako ang dapat mong bautismuhan, at ikaw pa ang lumalapit sa akin?” Ngunit sumagot si Jesus sa kanya, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, sapagkat ganito ang nararapat sa atin upang matupad ang buong katuwiran.” At siya ay sumang-ayon. Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya. Sinabi ng isang tinig mula sa langit, “Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod.”

Video para sa MATEO 3:1-2,4-17