Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong pangkat ng mga kawal sa paligid niya.
At siya'y kanilang hinubaran at dinamitan ng isang balabal na pulang-pula.
Sila'y gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong ito sa kanyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo. Lumuhod sila sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsasabi, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”
Siya'y kanilang niluraan. Kinuha nila ang tambo at hinampas ang kanyang ulo.
Pagkatapos na siya'y libakin, hinubad nila sa kanya ang balabal, isinuot sa kanya ang mga damit niya, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus.
Sa paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga-Cirene, na Simon ang pangalan. Pinilit nila ang taong ito na pasanin ang krus ni Jesus.
At nang sila'y makarating sa isang dakong tinatawag na Golgota, (na ang kahulugan ay, “Ang Dako ng Bungo”),
kanilang binigyan siya ng alak na may kahalong apdo upang inumin. Ngunit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin.
At nang siya'y maipako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan.
Pagkatapos, sila'y umupo at binantayan siya roon.
At sa itaas ng kanyang ulo ay inilagay nila ang paratang sa kanya, na nasusulat, “ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO.”
At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
Siya'y inalipusta ng mga nagdaraan at pailing-iling,
na nagsasabi, “Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!”
Sa gayunding paraan ay nilibak siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsasabi,
“Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya.
Nagtiwala siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, ‘Ako'y Anak ng Diyos.’”
Sa gayunding paraan ay inalipusta siya ng mga tulisan na ipinako sa krus na kasama niya.