Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay sama-samang nag-usap laban kay Jesus upang siya'y ipapatay. Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at ibinigay nila kay Pilato na gobernador. At si Judas na nagkanulo kay Jesus, nang nakitang hinatulan na ito, ay nagsisi at isinauli ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatanda, na sinasabi, “Ako'y nagkasala sa pagkakanulo ko sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Ikaw ang bahala diyan.” At inihagis niya sa templo ang mga piraso ng pilak at siya'y umalis. Humayo siya at nagbigti. Subalit habang pinupulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak, nagsabi sila, “Hindi matuwid na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang kapalit ng halagang ito.” Pagkatapos mag-usap, ibinili nila ang mga iyon ng bukid ng magpapalayok upang paglibingan ng mga dayuhan. Kaya't ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito. Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na sinasabi, “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halaga niya na itinuring na halaga ng ilan sa mga anak ng Israel, at ibinigay nila ang mga iyon para sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.” Si Jesus ay nakatayo sa harap ng gobernador at tinanong siya ng gobernador, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.” Ngunit nang siya'y paratangan ng mga punong pari at ng matatanda ay hindi siya sumagot ng anuman. At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang ipinaparatang laban sa iyo?” Subalit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita man lamang, na lubhang ikinamangha ng gobernador.
Basahin MATEO 27
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: MATEO 27:1-14
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas