Sumagot siya at sinabi, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin.
Tunay na papanaw ang Anak ng Tao tulad ng nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sana sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”
At si Judas na sa kanya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, “Hindi ako iyon, Rabi?” Sinabi niya sa kanya, “Ikaw ang nagsabi.”
Habang sila'y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, “Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan.”
At kumuha siya ng isang saro at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, “Uminom kayong lahat nito,
sapagkat ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
At sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas na ito hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.”
At pagkaawit nila ng isang himno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.
Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong lahat ay tatalikod dahil sa akin sa gabing ito; sapagkat nasusulat, ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay magkakawatak-watak.’
Subalit matapos na ako'y maibangon na ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
Ngunit sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Kung ang lahat man ay tumalikod dahil sa iyo, ako kailanma'y hindi tatalikod.”
Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”
Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit kinakailangang ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.
Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito, samantalang ako'y pupunta sa dako roon at mananalangin.”
Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang malungkot at mabagabag.
At sinabi niya sa kanila, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos ay ikamatay. Manatili kayo rito at makipagpuyat sa akin.”
Paglakad pa niya ng malayu-layo, siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”
At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, “Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa akin ng isang oras?
Kayo'y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina.”
Muli, sa ikalawang pagkakataon, umalis siya at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung hindi maaaring lumampas ito, malibang inumin ko ito, ang iyong kalooban ang siyang mangyari.”
At muli siyang lumapit at naratnan silang natutulog, sapagkat antok na antok na sila.
Kaya sila'y muli niyang iniwan, at umalis, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na sinasabi ang gayunding mga salita.
Pagkatapos ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Masdan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.
Bumangon kayo, lumakad tayo. Masdan ninyo, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”
At habang nagsasalita pa siya, dumating si Judas, na isa sa labindalawa, at kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo, mula sa mga punong pari at sa matatanda ng bayan.
At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang palatandaan, na sinasabi, ‘Ang hahalikan ko ay iyon na nga; dakpin ninyo siya.’
Kaagad siyang lumapit kay Jesus, at sinabi, “Magandang gabi, Rabi!” at kanyang hinagkan siya.
At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang layunin ng pagparito mo.” Pagkatapos ay lumapit sila at kanilang hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip.
Ang isa sa mga kasama ni Jesus ay nag-unat ng kanyang kamay at bumunot ng kanyang tabak. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang tainga nito.
Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kanyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamatay.
O sa akala mo ba'y hindi ako maaaring tumawag sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labindalawang pangkat ng mga anghel?
Ngunit kung gayo'y paanong matutupad ang mga kasulatan, na ganito ang kinakailangang mangyari?”
Sa oras na iyon ay sinabi ni Jesus sa mga napakaraming tao, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw ay nakaupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.
Subalit nangyari ang lahat ng ito, upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Pagkatapos ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y tumakas.
Si Jesus ay dinala ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, na pinakapunong pari, na kung saan nagkatipon ang mga eskriba at matatanda.
Ngunit sumunod si Pedro sa kanya ng may kalayuan, hanggang sa bakuran ng pinakapunong pari. Siya'y pumasok, at umupong kasama ng mga tanod upang makita niya kung ano ang mangyayari.
At ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ay humanap ng mga bulaang saksi laban kay Jesus upang kanilang maipapatay siya.
Ngunit wala silang natagpuan bagaman maraming humarap na mga bulaang saksi. Pagkatapos ay may dalawang dumating,
at nagsabi, “Sinabi ng taong ito, ‘Kaya kong gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.’”
Tumindig ang pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Wala ka bang isasagot? Ano itong ibinibintang ng mga ito laban sa iyo?”
Ngunit hindi umimik si Jesus. At sinabi ng pinakapunong pari sa kanya, “Pinanunumpa kita sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”
Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi, ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit.”
Nang magkagayo'y pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang mga damit, na sinasabi, “Nagsalita siya ng kalapastanganan. Bakit kailangan pa natin ng mga saksi? Narito, narinig ninyo ngayon ang kanyang kalapastanganan.
Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila at sinabi, “Karapat-dapat siya sa kamatayan.”
Pagkatapos ay kanilang niluraan siya sa kanyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok; at sinampal siya ng iba,
na nagsasabi, “Ipahayag mo sa amin, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”
Samantala, si Pedro ay nakaupo sa labas ng bakuran. Lumapit sa kanya ang isang aliping babae, na nagsasabi, “Ikaw ay kasama rin ni Jesus na taga-Galilea.”
Subalit ipinagkaila niya ito sa harap nilang lahat, na sinasabi, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.”
At paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin, at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.”
At muling ipinagkaila niya ito nang may panunumpa, “Hindi ko kilala ang taong iyon.”
Pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Talagang ikaw nga ay isa rin sa kanila, sapagkat nahahalata sa iyong pananalita.”
Pagkatapos ay nagpasimula siyang magsalita ng masama at manumpa, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok.
At naalala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, ay tatlong ulit mo akong ikakaila.” At siya'y lumabas at mapait na tumangis.