Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 26:14-25

MATEO 26:14-25 ABTAG01

Pagkatapos, isa sa labindalawa, na tinatawag na Judas Iscariote ang nagpunta sa mga punong pari, at nagsabi, “Anong ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At kanilang ipinagtimbang siya ng tatlumpung pirasong pilak. At mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus. Nang unang araw ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ka ng kordero ng paskuwa?” At sinabi niya, “Pumunta kayo sa isang tao sa lunsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro, Malapit na ang oras ko; sa iyong bahay ko gaganapin ang paskuwa kasama ng aking mga alagad.’” At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinag-utos sa kanila ni Jesus, at inihanda nila ang paskuwa. Pagsapit ng gabi, umupo siyang kasalo ng labindalawang alagad. At samantalang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.” At sila'y labis na nalungkot, at isa-isang nagpasimulang magsabi sa kanya, “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya at sinabi, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Tunay na papanaw ang Anak ng Tao tulad ng nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sana sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.” At si Judas na sa kanya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, “Hindi ako iyon, Rabi?” Sinabi niya sa kanya, “Ikaw ang nagsabi.”