Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 24:1-28

MATEO 24:1-28 ABTAG01

Lumabas si Jesus sa templo at paalis na, nang lumapit sa kanya ang mga alagad niya upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo. Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko, walang matitira ni isang bato rito na nasa ibabaw ng ibang bato na hindi ibabagsak.” Samantalang siya'y nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya nang sarilinan ang mga alagad, na nagsasabi, “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang tanda ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon? Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ng sinuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako ang Cristo’ at ililigaw nila ang marami. At makakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan. Mag-ingat kayo na huwag kayong mangamba, sapagkat kailangang mangyari ito, subalit hindi pa ito ang wakas. Sapagkat maglalaban ang bansa sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng taggutom at mga lindol sa iba't ibang dako. Ngunit ang lahat ng mga ito ay pasimula lamang ng matinding paghihirap. “Pagkatapos ay ibibigay kayo sa kapighatian at kayo'y papatayin; at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. Maraming tatalikod, magtataksil at mapopoot sa isa't isa. Maraming bulaang propeta ang lilitaw at ililigaw nila ang marami. Dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig. Subalit ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas. At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas. “Kaya, kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel, na nakatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa), ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa mga bundok. Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang mga bagay sa loob ng kanyang bahay. At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal. Ngunit kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Kaya't idalangin ninyo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa taglamig o sa Sabbath. Sapagkat sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding paghihirap na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman. At kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, ay walang makakaligtas na laman, subalit alang-alang sa mga hinirang ay paiikliin ang mga araw na iyon. At kung may sinumang magsabi sa inyo, ‘Masdan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Nariyan siya!’ huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang. Tingnan ninyo, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo. Kaya, kung sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa ilang,’ huwag kayong lumabas. ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa mga silid,’ huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. Kung saan naroon ang bangkay, ay doon magkakatipon ang mga buwitre.