Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 23:1-12

MATEO 23:1-12 ABTAG01

Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises. Kaya't gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila. Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin, at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria, at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit. Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, ‘Rabi.’ Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, siya na nasa langit. Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo. Sinumang nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas.