Nang papalapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad,
na sinasabi sa kanila, “Pumunta kayo sa kasunod na nayon, at kaagad ninyong matatagpuan ang isang babaing asno na nakatali na may kasamang isang batang asno. Kalagan ninyo sila at dalhin ninyo sa akin.
Kung ang sinuman ay magsabi ng anuman sa inyo, ay sasabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala sila.”
Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
“Sabihin ninyo sa anak na babae ng Zion,
Tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
mapagkumbaba, at nakasakay sa isang asno,
at sa isang batang asno na anak ng babaing asno.”
Pumunta nga ang mga alagad at ginawa ang ayon sa ipinag-utos ni Jesus sa kanila.
Dinala nila ang asno at ang batang asno at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal; at inupuan niya ang mga ito.
Ang nakararami sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga ng mga punungkahoy at inilatag ang mga ito sa daan.
At ang mga napakaraming taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kanya ay nagsisigawan, na nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!”
Nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo na nagsasabi, “Sino ba ito?”
At sinabi ng maraming tao, “Ito ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea.
Pumasok si Jesus sa templo, at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,’ ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
Ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila'y kanyang pinagaling.
Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David,” ay nagalit sila.
Kaya't sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa,
‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo
ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?”
Sila'y kanyang iniwan, at lumabas sa lunsod patungong Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.