Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 2:1-10

MATEO 2:1-10 ABTAG01

Nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa kapanahunan ng haring si Herodes, may mga Pantas na lalaki mula sa silangan na dumating sa Jerusalem, na nagtatanong, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang siya'y sambahin.” Nang marinig ito ni Haring Herodes, siya ay nabahala, pati ang buong Jerusalem. Nang matipon niyang lahat ang mga punong pari at mga eskriba ng bayan, nagtanong siya sa mga ito kung saan isisilang ang Cristo. Sinabi nila sa kanya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta: ‘At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda, sa anumang paraan ay hindi ka pinakamaliit sa mga pangunahing bayan ng Juda; sapagkat sa iyo manggagaling ang isang pinuno, na magiging pastol ng aking bayang Israel.’” Pagkatapos, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at inalam sa kanila kung kailan lumitaw ang bituin. Kanyang pinapunta sila sa Bethlehem at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol; kapag siya ay inyong natagpuan na, ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako rin ay makaparoon at siya ay aking sambahin.” Pagkatapos nilang makinig sa hari ay lumakad na sila; at naroon, ang bituin na kanilang nakita sa silangan ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol. Labis silang nagalak nang makita nila ang bituin.

Video para sa MATEO 2:1-10