Nang oras na iyon ay lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang kayo'y magbago at maging tulad sa mga bata, kailanma'y hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. At sinumang tumanggap sa isang batang ganito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. “Ngunit sinumang maglagay ng batong katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y malunod sa kalaliman ng dagat. Kahabag-habag ang sanlibutan dahil sa mga batong katitisuran! Ang mga pangyayaring magbubunga ng pagkatisod ay tiyak na darating. Ngunit kahabag-habag ang taong pagmumulan ng batong katitisuran! “Kaya't kung ang kamay mo o ang paa mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na may kapansanan o lumpo kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon sa apoy na walang katapusan. At kung ang mata mo ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa dalawang mata na maitapon sa impiyerno ng apoy. “Pag-ingatan ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng aking Ama na nasa langit. [Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawala.] Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa kabundukan, at hahayo upang hanapin ang naligaw? At kung matagpuan niya ito ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, magagalak siya rito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. Kaya't hindi kalooban ng inyong Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak. “Kung magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid. Ngunit kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat salita. Kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesya; at kung ayaw niyang pakinggan maging ang iglesya, ay ituring mo siya bilang isang Hentil at maniningil ng buwis. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay yaong tatalian sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay yaong kakalagan sa langit. Sinasabi ko rin naman sa inyo, na kapag nagkasundo ang dalawa sa inyo sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin para sa kanila ng aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”
Basahin MATEO 18
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: MATEO 18:1-20
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas