Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 14:23-33

MATEO 14:23-33 ABTAG01

Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa. Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin. Nang madaling-araw na ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, ‘Multo!’ Nagsigawan sila sa takot. Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.” Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.” Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!” Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin. Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, “Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos.”