Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 12:1-12

MATEO 12:1-12 ABTAG01

Nang panahong iyon ay dumaan si Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Nagutom ang kanyang mga alagad at nagsimula silang pumitas ng mga uhay at kumain. Ngunit nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi ipinahihintulot na gawin sa Sabbath.” Subalit sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang nagutom siya at ang mga kasamahan niya; kung paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kumain siya ng tinapay na handog, na hindi ipinahihintulot na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi ng mga pari lamang? O hindi ba ninyo nabasa sa kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ay winalang-galang ng mga pari sa templo ang Sabbath, at hindi sila nagkasala? Ngunit sinasabi ko sa inyo, isang higit na dakila kaysa templo ang narito. Ngunit kung nalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. Sapagkat ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath.” Umalis si Jesus doon at pumasok sa kanilang sinagoga. At doon ay may isang taong tuyo ang isang kamay. Siya ay tinanong nila, “Matuwid bang magpagaling sa araw ng Sabbath?” upang siya'y maparatangan nila. Sinabi niya sa kanila, “Sino kaya sa inyo, na kung mayroon siyang isang tupa, at nahulog ito sa isang hukay sa araw ng Sabbath, ay hindi ba niya ito aabutin, at hahanguin? Gaano pa ngang higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MATEO 12:1-12