Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MALAKIAS 2

2
Tinuligsa ang mga Di-Banal na Pari
1“Ngayon, O kayong mga pari, ang utos na ito ay para sa inyo.
2Kung hindi kayo makikinig, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso na bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ipadadala ko sa inyo ang sumpa at aking susumpain ang mga pagpapala ninyo. Sa katunayan, akin na silang isinumpa, sapagkat hindi ninyo inilagak sa inyong puso.
3Narito, sasawayin ko ang inyong anak, at sasabugan ko ng dumi ang inyong mga mukha, ang dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo'y aalisin kasama nito.
4Inyong#Bil. 3:11-13 malalaman na aking ipinadala ang utos na ito sa inyo upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
5Ang#Bil. 25:12 aking tipan sa kanya ay isang tipan ng buhay at kapayapaan; at ibinigay ko ang mga iyon sa kanya upang siya'y matakot; at siya'y natakot sa akin, at siya'y nagbigay-galang sa aking pangalan.
6Ang kautusan ng katotohanan ay nasa kanyang bibig, at walang kalikuan na nasumpungan sa kanyang mga labi. Siya'y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo niya sa kasamaan ang marami.
7Sapagkat ang mga labi ng pari ay dapat mag-ingat ng kaalaman, at dapat hanapin ng mga tao ang kautusan sa kanyang bibig, sapagkat siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.
8Ngunit kayo'y lumihis sa daan; naging dahilan kayo upang matisod ang marami sa pamamagitan ng inyong kautusan, inyong pinasama ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9Kaya't ginawa ko kayong hamak at aba sa harap ng buong bayan, yamang hindi ninyo iningatan ang aking mga daan, kundi nagpakita kayo ng pagtatangi sa inyong kautusan.”
Ang Pagtataksil ng Israel at Juda
10Hindi ba iisa lamang ang ating ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumalang sa atin? Bakit nga tayo nagtataksil sa isa't isa na nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno?
11Naging taksil ang Juda, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagkat nilapastangan ng Juda ang santuwaryo ng Panginoon, na kanyang iniibig, at nag-asawa sa anak na babae ng ibang diyos.
12Ihiwalay nawa ng Panginoon mula sa mga tolda ng Jacob ang taong gumawa nito, ang sinumang gigising o sasagot o magdadala ng handog sa Panginoon ng mga hukbo!
13Ito rin ay inyong ginagawa: Tinatakpan ninyo ang dambana ng Panginoon ng mga luha, ng pagtangis, at ng pagdaing, sapagkat hindi na niya nililingap ang handog, ni tinatanggap na may kasiyahan sa inyong kamay.
14Gayunma'y inyong sinasabi, “Sa anong dahilan?” Sapagkat ang Panginoon ay saksi sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng kataksilan, bagaman siya'y iyong kasama, at iyong asawa sa pamamagitan ng tipan.
15Ngunit wala ni isang gumawa niyon na mayroong nalabing Espiritu.#2:15 o Hindi ba ginawa niyang iisa, bagaman ang nalabing Espiritu ay nasa kanya, bakit iisa? Ano ang ginawa niya noong naghahanap siya ng lahing maka-Diyos? Kaya't ingatan ninyo ang inyong espiritu, at huwag nang hayaang ang sinuman ay magtaksil sa asawa ng kanyang kabataan.
16“Sapagkat aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at ang pagtatakip ng tao sa kanyang damit na may karahasan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili at huwag kayong magtaksil.”
Nalalapit ang Araw ng Paghatol
17Inyong niyamot ang Panginoon ng inyong mga salita. Gayunma'y sinasabi ninyo, “Paano namin siya niyamot?” Sa inyong pagsasabi, “Bawat gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at sila'y kanyang kinalulugdan.” O sa pagtatanong, “Nasaan ang Diyos ng katarungan?”

Kasalukuyang Napili:

MALAKIAS 2: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in