At nang bumalik si Jesus, masaya siyang tinanggap ng maraming tao, sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kanya.
At noon ay dumating ang isang lalaking ang pangalan ay Jairo, na isang pinuno sa sinagoga. At pagluhod niya sa paanan ni Jesus, siya ay nakiusap sa kanya na pumunta sa kanyang bahay,
sapagkat siya'y mayroong kaisa-isang anak na babae, mga labindalawang taong gulang, at ito'y naghihingalo. Sa kanyang pagpunta, siniksik siya ng maraming tao.
May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo, at di mapagaling ng sinuman,
na lumapit sa kanyang likuran, hinawakan ang laylayan ng kanyang damit, at agad na tumigil ang kanyang pagdurugo.
Sinabi ni Jesus, “Sino ang humawak sa akin?” Nang tumatanggi ang lahat, sinabi ni Pedro, “Guro, pinapalibutan ka at sinisiksik ng napakaraming tao.”
Subalit sinabi ni Jesus, “May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang umalis sa akin.”
At nang makita ng babae na siya'y hindi natatago, nangangatal siyang lumapit at nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang sinabi sa harapan ng mga tao kung bakit niya hinawakan si Jesus at kung paanong siya ay kaagad gumaling.
At sinabi niya sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
Habang nagsasalita pa siya, may isang dumating na mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi, “Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro.”
Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, “Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya'y gagaling.”
Nang dumating siya sa bahay, hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinuman, maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at ang ama at ina ng bata.
Umiiyak ang lahat at tinatangisan siya. Subalit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong umiyak, sapagkat siya'y hindi patay, kundi natutulog.”
At kanilang pinagtawanan siya, dahil ang alam nila'y patay na ang bata.
Subalit paghawak niya sa kanyang kamay, siya'y tumawag at sinabi, “Bata, bumangon ka.”
Bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya kaagad. Ipinag-utos ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.
At namangha ang kanyang mga magulang, subalit ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.