“Subalit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,
pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo.
Sa sinumang sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo naman ang kabila, at sa sinumang umagaw ng iyong balabal, huwag mong ipagkait pati ang iyong tunika.
Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kapag inagaw ng sinuman ang iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin ang mga iyon.
Kung ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.
Kung kayo'y umiibig sa mga umiibig sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay umiibig sa mga umiibig sa kanila.
At kung gumawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa sa inyo ng mabuti, ano ang mapapala ninyo? Sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan.
Kung kayo'y magpahiram lamang sa mga taong mayroon kayong inaasahang tatanggapin, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay nagpapahiram sa mga makasalanan, upang tanggapin nilang muli ang gayunding halaga.
Subalit ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya'y mabait sa mga di-mapagpasalamat at sa masasama.
Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain.
“Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo huhusgahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin.
Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo—hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin.
Sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay?
Ang alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro.
Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata?
Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid.