Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 5:11-32

LUCAS 5:11-32 ABTAG01

Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya. Samantalang siya'y nasa isa sa mga lunsod, may dumating na isang lalaki na punô ng ketong. Nang makita niya si Jesus, lumuhod siya at nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais mo ay maaari mo akong linisin.” Iniunat niya ang kanyang kamay at siya'y hinawakan at sinabi, “Nais ko, maging malinis ka.” At agad nawala ang kanyang ketong. Ipinagbilin niya sa kanya na huwag sabihin kaninuman. “Humayo ka, magpakita ka sa pari, at maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises dahil ikaw ay naging malinis, bilang patotoo sa kanila.” Subalit lalo niyang ikinalat ang balita tungkol kay Jesus. Nagtipon ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. Subalit umaalis si Jesus patungo sa ilang at nananalangin. Isang araw, habang siya'y nagtuturo, may nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan, na nagmula sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya upang magpagaling. At may dumating na mga lalaking may dalang isang lalaking lumpo na nasa isang higaan at sinikap nilang maipasok ang lumpo sa bahay at mailagay sa harap ni Jesus. Subalit dahil wala silang makitang daan dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan ng bahay at ibinaba siya pati na ang kanyang higaan mula sa binutas nilang bubungan sa gawing gitna, sa harapan ni Jesus. Nang makita niya ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimulang magtanong, “Sino ba ito na nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos lamang?” Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ito pinag-aalinlanganan sa inyong mga puso? Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’ Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan,”—sinabi niya ito sa lumpo, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.” Kaagad siyang tumindig sa harapan nila, binuhat ang kanyang hinigaan, at umuwi sa kanyang bahay na niluluwalhati ang Diyos. Labis na namangha ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos. Napuno sila ng takot, na nagsasabi, “Nakakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka.” Pagkatapos nito ay umalis si Jesus at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya. Ipinaghanda siya ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay at napakaraming maniningil ng buwis at iba pa na nakaupong kasalo nila. Nagbulung-bulungan ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, “Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa LUCAS 5:11-32