Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 5:1-14

LUCAS 5:1-14 ABTAG01

Samantalang sinisiksik si Jesus ng napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos, siya'y nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret. Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa; wala na roon ang mga mangingisda at naghuhugas na ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at hiniling sa kanya na ilayo ito nang kaunti sa lupa. Siya'y umupo at mula sa bangka ay nagturo sa mga tao. Nang matapos na siya sa pagsasalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumunta ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.” Sumagot si Simon, “Guro, sa buong magdamag ay nagpakapagod kami at wala kaming nahuli. Subalit dahil sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.” Nang magawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda, at halos masira ang kanilang mga lambat, kaya't kinawayan nila ang mga kasamahan nilang nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Sila'y lumapit at pinuno ng isda ang dalawang bangka, anupa't sila'y nagpasimulang lumubog. Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako'y taong makasalanan, O Panginoon.” Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang kasama ay namangha dahil sa mga isdang kanilang nahuli, gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasamahan ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot, mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya. Samantalang siya'y nasa isa sa mga lunsod, may dumating na isang lalaki na punô ng ketong. Nang makita niya si Jesus, lumuhod siya at nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais mo ay maaari mo akong linisin.” Iniunat niya ang kanyang kamay at siya'y hinawakan at sinabi, “Nais ko, maging malinis ka.” At agad nawala ang kanyang ketong. Ipinagbilin niya sa kanya na huwag sabihin kaninuman. “Humayo ka, magpakita ka sa pari, at maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises dahil ikaw ay naging malinis, bilang patotoo sa kanila.”