Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 4:1-21

LUCAS 4:1-21 ABTAG01

Si Jesus, na punô ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang, na doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon, at nang makalipas ang mga araw na iyon ay nagutom siya. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.” At sumagot sa kanya si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.’” Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar at ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan. At sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig. Kaya't kung sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo.” At sumagot si Jesus sa kanya, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’” Pagkatapos ay kanyang dinala siya sa Jerusalem at inilagay siya sa tuktok ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito, sapagkat nasusulat, ‘Ipagbibilin ka niya sa mga anghel na ikaw ay ingatan,’ at, ‘Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato.’ At sumagot si Jesus sa kanya, “Sinasabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’” Nang matapos na ng diyablo ang lahat ng panunukso, lumayo siya sa kanya hanggang sa isa pang pagkakataon. Bumalik si Jesus sa Galilea na nasa kapangyarihan ng Espiritu at kumalat ang balita tungkol sa kanya sa palibot ng buong lupain. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at pinuri ng lahat. Dumating siya sa Nazaret na kanyang nilakhan. Siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabbath, tulad ng kanyang nakaugalian at tumindig siya upang bumasa, at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat, at natagpuan ang dako na kung saan ay nasusulat: “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako'y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha. Ako'y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi, upang ipahayag ang taon ng biyaya mula sa Panginoon.” Isinara niya ang aklat, isinauli ito sa tagapaglingkod at naupo. At ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga ay nakatutok sa kanya. At siya'y nagsimulang magsabi sa kanila, “Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa LUCAS 4:1-21

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya