Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 24:7-53

LUCAS 24:7-53 ABTAG01

na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw.” At naalala nila ang kanyang mga salita, at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa. Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila. Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan. [Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.] Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia ang layo sa Jerusalem, at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari. Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila. Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya. At sinabi niya sa kanila, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?” At sila'y tumigil na nalulungkot. Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?” Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” At sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan, at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus. Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israel. Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito. Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan, at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buháy. Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita.” At sinabi niya sa kanila, “O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta! Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan. Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa. Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, “Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw.” At pumasok siya upang tumuloy sa kanila. Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin. Sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?” Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama. Sinasabi nila, “Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!” At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay. Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.” Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” [Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.] Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?” At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda. Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.” At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw; at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito. At tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.” Kanyang inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan. At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit]. Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan. At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos.