Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 24:7-53

Lucas 24:7-53 RTPV05

‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’” Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan. Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Pumasok siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari. Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” Tumigil silang nalulumbay, at sinabi ni Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.” “Anong pangyayari?” tanong niya. Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta. Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!” Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay. Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila na nagsasabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y multo ang kaharap nila. Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. Kinuha niya ito at kinain sa harap nila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako; dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises at sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.” Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.” Pagkatapos ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lunsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. Habang iginagawad niya ito, siya nama'y lumalayo paakyat sa langit. Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay masayang-masaya silang bumalik sa Jerusalem. Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.