Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 23:32-56

LUCAS 23:32-56 ABTAG01

Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal. Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa. [Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit. Nakatayong nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.” Nililibak din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka, at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!” Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.” Patuloy siyang pinagtawanan ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!” Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan? Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.” Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.” At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon, habang madilim ang araw; at napunit sa gitna ang tabing ng templo. Si Jesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, “Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu.” At pagkasabi nito ay nalagot ang kanyang hininga. Nang makita ng senturion ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay na ito'y isang taong matuwid.” At ang lahat ng mga taong nagkatipon upang makita ang panoorin, nang makita nila ang mga bagay na nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib. At ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya'y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang mga bagay na ito. Mayroong isang mabuti at matuwid na lalaking ang pangalan ay Jose, na bagaman kaanib ng sanggunian, ay hindi sang-ayon sa kanilang panukala at gawa. Siya'y mula sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at siya'y naghihintay sa kaharian ng Diyos. Ang taong ito'y lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ito'y ibinaba niya, binalot ng isang telang lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang naililibing. Noo'y araw ng Paghahanda, at malapit na ang Sabbath. Ang mga babae na sumama sa kanya mula sa Galilea ay sumunod at tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. Sila'y umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan.