Dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na noon ay kailangang ihandog ang kordero ng Paskuwa.
Kaya't isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan, na sinasabi, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang paskuwa para sa atin, upang ating kainin ito.”
At kanilang sinabi sa kanya, “Saan mo gustong ihanda namin ito?”
At kanyang sinabi sa kanila, “Narito, pagpasok ninyo sa lunsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kanyang papasukan.
At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Sinasabi ng Guro sa iyo, “Saan ang silid para sa panauhin na doon ay aking kakainin ang Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?”’
Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan. Doon kayo maghanda.”
At humayo sila, at natagpuan ito ayon sa sinabi niya sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa.
Nang dumating ang oras ay naupo siya sa hapag, at ang mga apostol ay kasama niya.
Sinabi niya sa kanila, “Pinakahahangad kong kainin na kasalo kayo ang kordero ng Paskuwang ito bago ako magdusa,
sapagkat sinasabi ko sa inyo, ito'y hindi ko kakainin hanggang sa ito'y ganapin sa kaharian ng Diyos.”
At siya'y tumanggap ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat, sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at inyong paghati-hatian.
Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.”
At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, “Ito'y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”
Gayundin naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo.