Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 22:7-20

Lucas 22:7-20 ASND

Dumating ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. At sa araw na ito, kailangang maghandog ang mga Judio ng tupa na kakainin nila sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Ihanda ninyo ang hapunan natin para sa Pista ng Paglampas ng Anghel.” Nagtanong sila, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda?” Sumagot si Jesus, “Pagpasok ninyo sa lungsod ng Jerusalem, sasalubungin kayo ng isang lalaking may pasan na banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ Isasama niya kayo sa itaas at ituturo sa inyo ang isang malaking kwarto na kumpleto ang kagamitan. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.” Lumakad sila at nakita nga nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista. Pagdating ng oras ng hapunan, kumain si Jesus at ang kanyang mga apostol. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Gustong-gusto kong makasalo kayo sa hapunang ito sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, bago ako maghirap. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling kakain nito hanggang sa matupad ang kahulugan nito sa araw ng paghahari ng Dios.” Pagkatapos, kumuha siya ng inumin, nagpasalamat sa Dios, at sinabi sa kanila, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios” Pagkatapos, kumuha siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin: kinuha niya ito at nagpasalamat sa Dios, at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng dugo kong mabubuhos ng dahil sa inyo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Lucas 22:7-20