Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 22:26-38

LUCAS 22:26-38 ABTAG01

Subalit sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod. Sapagkat alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod. “Kayo'y yaong patuloy na kasama ko sa mga pagsubok sa akin. At inilalaan ko sa inyo kung paanong ang Ama ay naglaan para sa akin ng isang kaharian, upang kayo'y kumain at uminom sa aking hapag sa kaharian ko, at kayo'y umupo sa mga trono, na hinuhukuman ang labindalawang lipi ni Israel.” “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo, subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.” Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ang manok ay hindi titilaok sa araw na ito hanggang hindi mo ako naipagkakaila ng tatlong ulit.” At sinabi niya sa kanila, “Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, o supot ng pagkain, at mga sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” At kanilang sinabi, “Hindi.” Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayundin ang supot ng pagkain. At ang walang tabak ay ipagbili niya ang kanyang balabal, at bumili ng isang tabak. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na ang kasulatang ito ay kailangang matupad sa akin, ‘At ibinilang siya sa mga suwail’; sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad.” At sinabi nila, “Panginoon, tingnan ninyo, narito ang dalawang tabak.” Sinabi naman niya sa kanila, “Tama na iyan.”