Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 22:19-27

LUCAS 22:19-27 ABTAG01

At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, “Ito'y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.” Gayundin naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo. Subalit tingnan ninyo, ang nagkakanulo sa akin ay kasama ko, at ang kamay niya ay nasa hapag. Sapagkat ang Anak ng Tao ay patungo ayon sa itinakda, subalit kahabag-habag ang taong nagkakanulo sa kanya!” At sila'y nagsimulang magtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa nito. Nagkaroon ng isang pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinakadakila. At kanyang sinabi sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay nagpapapanginoon sa kanila; at ang mga may awtoridad sa kanila'y tinatawag na mga tagapagpala. Subalit sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod. Sapagkat alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod.