Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 22:1-34

LUCAS 22:1-34 ABTAG01

Ang pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskuwa, ay papalapit na. Naghahanap ng paraan ang mga punong pari at ang mga eskriba kung paano nila maipapapatay si Jesus sapagkat natatakot sila sa mga tao. Pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na isa sa labindalawa. Siya'y umalis at nakipag-usap sa mga punong pari at mga punong-kawal kung paanong kanyang maipagkakanulo siya sa kanila. At sila'y natuwa at nagkasundong bigyan siya ng salapi. Kaya't pumayag siya at humanap ng tamang pagkakataon upang kanyang maipagkanulo siya sa kanila na hindi kaharap ang maraming tao. Dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na noon ay kailangang ihandog ang kordero ng Paskuwa. Kaya't isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan, na sinasabi, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang paskuwa para sa atin, upang ating kainin ito.” At kanilang sinabi sa kanya, “Saan mo gustong ihanda namin ito?” At kanyang sinabi sa kanila, “Narito, pagpasok ninyo sa lunsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kanyang papasukan. At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Sinasabi ng Guro sa iyo, “Saan ang silid para sa panauhin na doon ay aking kakainin ang Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?”’ Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan. Doon kayo maghanda.” At humayo sila, at natagpuan ito ayon sa sinabi niya sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa. Nang dumating ang oras ay naupo siya sa hapag, at ang mga apostol ay kasama niya. Sinabi niya sa kanila, “Pinakahahangad kong kainin na kasalo kayo ang kordero ng Paskuwang ito bago ako magdusa, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ito'y hindi ko kakainin hanggang sa ito'y ganapin sa kaharian ng Diyos.” At siya'y tumanggap ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat, sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at inyong paghati-hatian. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.” At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, “Ito'y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.” Gayundin naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo. Subalit tingnan ninyo, ang nagkakanulo sa akin ay kasama ko, at ang kamay niya ay nasa hapag. Sapagkat ang Anak ng Tao ay patungo ayon sa itinakda, subalit kahabag-habag ang taong nagkakanulo sa kanya!” At sila'y nagsimulang magtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa nito. Nagkaroon ng isang pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinakadakila. At kanyang sinabi sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay nagpapapanginoon sa kanila; at ang mga may awtoridad sa kanila'y tinatawag na mga tagapagpala. Subalit sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod. Sapagkat alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod. “Kayo'y yaong patuloy na kasama ko sa mga pagsubok sa akin. At inilalaan ko sa inyo kung paanong ang Ama ay naglaan para sa akin ng isang kaharian, upang kayo'y kumain at uminom sa aking hapag sa kaharian ko, at kayo'y umupo sa mga trono, na hinuhukuman ang labindalawang lipi ni Israel.” “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo, subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.” Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ang manok ay hindi titilaok sa araw na ito hanggang hindi mo ako naipagkakaila ng tatlong ulit.”