Isang araw, samantalang tinuturuan ni Jesus ang mga taong-bayan sa templo at ipinangangaral ang magandang balita, lumapit ang mga pari at ang mga eskriba na kasama ang matatanda.
At sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin, sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”
Siya'y sumagot sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at sabihin ninyo sa akin:
Ang bautismo ba ni Juan ay mula sa langit, o mula sa mga tao?”
At sila'y nag-usapan sa isa't isa na sinasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ ay sasabihin niya, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
Subalit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ ay babatuhin tayo ng mga taong-bayan, sapagkat sila'y napapaniwala na si Juan ay isang propeta.”
Kaya't sila'y sumagot na hindi nila nalalaman kung saan iyon nagmula.
At sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
At sinimulan niyang isalaysay sa taong-bayan ang talinghagang ito: “Isang tao ang nagtanim ng ubasan. Ipinagkatiwala niya ito sa mga magsasaka, at pumunta sa ibang lupain nang mahabang panahon.
Nang dumating ang panahon ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang siya'y bigyan mula sa bunga ng ubasan, subalit binugbog siya ng mga magsasaka, at pinaalis na walang dala.
Nagsugo siya ng isa pang alipin, subalit ito'y kanilang binugbog din at hiniya, at pinaalis na walang dala.
At nagsugo pa siya ng ikatlo. Ito ay kanilang sinugatan at pinagtabuyan.
Pagkatapos ay sinabi ng panginoon ng ubasan, ‘Anong gagawin ko? Susuguin ko ang minamahal kong anak, baka siya'y igagalang nila.’
Subalit nang makita siya ng mga magsasaka ay sinabi nila sa kanilang mga sarili, ‘Ito ang tagapagmana, patayin natin siya upang ang mana ay maging atin.’
Kaya't kanilang itinapon siya sa labas ng ubasan at pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
Siya'y darating at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” At nang marinig nila ito ay sinabi nila, “Huwag nawang mangyari.”
Subalit tumingin siya sa kanila at sinabi, “Ano nga itong nasusulat,
‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong panulok?’
Ang bawat mahulog sa ibabaw ng batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang mabagsakan nito.”
Pinagsikapan siyang pagbuhatan ng kamay sa oras na iyon ng mga eskriba at ng mga punong pari, sapagkat nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, subalit sila'y natakot sa taong-bayan.
Kaya't siya'y minatyagan nila at nagsugo ng mga espiya na nagkunwaring matatapat, upang siya'y hulihin sa kanyang salita, para siya'y maibigay sa mga pinuno at awtoridad ng gobernador.
At kanilang tinanong siya, “Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid at wala kang pinapanigang tao, kundi itinuturo mo ayon sa katotohanan ang daan ng Diyos.
Nararapat bang kami ay magbuwis kay Cesar, o hindi?”
Subalit batid niya ang kanilang katusuhan at sinabi sa kanila,
“Ipakita ninyo sa akin ang isang denario. Kanino ang larawan at ang nakasulat dito?” At sinabi nila, “Kay Cesar.”
At sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”
At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang salita sa harap ng mga taong-bayan. At sa pagkamangha nila sa kanyang sagot sila ay tumahimik.