Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 19:1-10

LUCAS 19:1-10 ABTAG01

Siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico, at doon ay may isang lalaki na ang pangalan ay Zaqueo. Siya'y isang punong maniningil ng buwis at mayaman. Nagsikap siyang makita kung sino si Jesus, subalit hindi magawa dahil sa karamihan ng mga tao, sapagkat siya'y pandak. Kaya't tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita siya, sapagkat siya'y daraan sa daang iyon. At nang dumating si Jesus sa lugar na iyon, siya'y tumingala, at sinabi sa kanya, “Zaqueo, dali ka at bumaba ka; sapagkat kailangang ako'y tumuloy sa bahay mo ngayon.” Kaya't siya'y nagmadali, bumaba, at natutuwa siyang tinanggap. Nang kanilang makita ito ay nagbulungan silang lahat, na nagsasabi, “Siya'y pumasok upang maging panauhin ng isang taong makasalanan.” Si Zaqueo ay tumindig at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha at kung sa pamamagitan ng pandaraya ay may kinuha ako sa kanino mang tao, babayaran ko siya ng apat na ulit.” At sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating sa bahay na ito ngayon ang kaligtasan, sapagkat siya man ay anak din ni Abraham. Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala.”