Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 18:1-25

LUCAS 18:1-25 ABTAG01

At isinalaysay ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay. Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang. At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’ May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao, subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’” At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom. At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila? Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?” Isinalaysay rin niya ang talinghagang ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila'y matutuwid at hinahamak ang iba. “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis. Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’ Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas.” Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila. Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.” Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Nalalaman mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’” At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin. Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman. Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos! Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”