Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 15:11-20

LUCAS 15:11-20 ABTAG01

Sinabi ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki: Sinabi ng nakababata sa kanila sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin.’ At hinati niya sa kanila ang kanyang pag-aari. Makaraan ang ilang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kanya, at naglakbay patungo sa isang malayong lupain at doo'y nilustay ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay. Nang magugol na niyang lahat ay nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at siya'y nagsimulang mangailangan. Kaya't pumaroon siya at sumama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing iyon na nagpapunta sa kanya sa kanyang mga bukid upang magpakain ng mga baboy. At siya'y nasasabik na makakain ng mga pinagbalatan na kinakain ng mga baboy at walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman. Subalit nang siya'y matauhan ay sinabi niya, ‘Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, ngunit ako rito'y namamatay sa gutom? Titindig ako at pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod.”’ Siya'y tumindig at pumunta sa kanyang ama. Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama at ito'y awang-awa sa kanya. Ang ama'y tumakbo, niyakap siya at hinagkan.