Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 14:7-35

LUCAS 14:7-35 ABTAG01

Nang mapansin niya na pinipili ng mga panauhin ang mga upuang pandangal; siya ay nagsalaysay sa kanila ng isang talinghaga. “Kapag inanyayahan ka ng sinuman sa kasalan, huwag kang uupo sa upuang pandangal; baka mayroon siyang inanyayahang higit na kilalang tao kaysa iyo, at ang nag-anyaya sa inyong dalawa ay lumapit at nagsabi sa iyo, ‘Ibigay mo sa taong ito ang lugar mo.’ Sa gayon, ay magsisimula kang pumunta na napapahiya sa pinakamababang lugar. Sa halip, kapag inaanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakamababang lugar upang kung dumating ang nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, pumunta ka sa mas mataas.’ Kung gayo'y magkakaroon ka ng karangalan sa harap ng lahat ng mga kasalo mong nakaupo sa hapag. Sapagkat ang bawat nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.” Sinabi rin naman niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o mayayamang kapitbahay, baka ikaw naman ay kanilang anyayahan at ikaw ay gantihan. Subalit kung naghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, ang mga bulag, at pagpapalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.” Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.” Subalit sinabi ni Jesus sa kanya, “May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan. At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.’ Ngunit silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, ‘Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’ Sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’ Sinabi ng iba, ‘Ako'y nagpakasal kaya't hindi ako makakarating.’ At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.’ At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.’ At sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan.” Noon ay sumama sa kanya ang napakaraming tao. Siya'y humarap sa kanila at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, ina, asawang babae, mga anak, mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, at maging sa kanyang sariling buhay ay hindi maaaring maging alagad ko. Sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Sapagkat sino sa inyo na nagnanais magtayo ng isang tore, ang hindi muna uupo at aalamin ang magugugol kung mayroon siyang sapat upang matapos ito? Baka kung mailagay na niya ang pundasyon at hindi makayang tapusin, ang lahat ng mga makakakita ay magpapasimulang siya'y libakin, na nagsasabi, ‘Nagsimula ang taong ito na magtayo, at hindi na kayang tapusin.’ O sinong hari, na pupunta sa pakikidigma laban sa ibang hari, ang hindi muna uupo at mag-iisip kung siya na may sampung libo ay kayang humarap sa may dalawampung libo na dumarating laban sa kanya? At kung hindi, samantalang malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng isang sugo at hihilingin ang mga kasunduan sa kapayapaan. Kaya't ang sinuman sa inyo na hindi magtakuwil sa lahat ng kanyang tinatangkilik ay hindi maaaring maging alagad ko. “Mabuti ang asin, subalit kung ang asin ay mawalan ng kanyang lasa, paano maibabalik ang alat nito? Ito ay hindi nababagay maging sa lupa o sa tambakan man ng dumi; itinatapon nila ito. Ang may mga taingang ipandirinig ay makinig!”