Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 12:32-48

LUCAS 12:32-48 ABTAG01

“Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nakakalugod sa inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at kayo'y magbigay ng limos. Gumawa kayo para sa inyong mga sarili ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nauubos, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang bukbok. Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso. “Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang at paliwanagin ninyo ang inyong mga ilawan. At maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon na magbalik mula sa kasalan upang agad nilang mapagbuksan siya kapag siya ay dumating na at tumuktok. Mapapalad ang mga aliping iyon na madatnan ng panginoon na nagbabantay kapag siya ay dumating. Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, bibigkisan niya ang kanyang baywang, sila'y papaupuin sa hapag-kainan at siya ay lalapit at paglilingkuran sila. At kung siya'y dumating sa hatinggabi, o sa magmamadaling-araw na, at matagpuan silang gayon ay mapapalad ang mga aliping iyon. Subalit alamin ninyo ito, kung nalalaman ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y hindi magpapabayang mapasok ang kanyang bahay. Dapat din kayong maging handa, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.” Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi mo ba ang talinghagang ito para sa amin, o para sa lahat?” At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala na pagkakatiwalaan ng kanyang panginoon sa kanyang mga alipin, upang sila'y bigyan ng kanilang bahaging pagkain sa tamang panahon? Mapalad ang aliping iyon, na maratnan ng kanyang panginoon na gayon ang ginagawa. Tunay na sinasabi ko sa inyo, sa kanya ipagkakatiwala ang lahat niyang ari-arian. Subalit kung sabihin ng alipin iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagdating ng aking panginoon;’ at pinasimulan niyang bugbugin ang mga aliping lalaki at mga aliping babae; at siya'y kumain, uminom, at naglasing, ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman. Siya'y pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat. At ang aliping iyon na nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda at hindi ginawa ang ayon sa kalooban nito ay papaluin nang marami. Subalit ang hindi nakakaalam at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga palo ay papaluin ng kaunti. Ngunit sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya, at sa kanya na pinagkatiwalaan ng marami ay higit na marami ang kanilang hihingin sa kanya.