Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 11:1-12

LUCAS 11:1-12 ABTAG01

Siya'y nanalangin sa isang lugar at nang siya'y makatapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin, gaya ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.” Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin, ‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Ibigay mo sa amin sa bawat araw ang aming pang-araw-araw na pagkain. At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.’” Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hatinggabi at magsabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay; sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ At siyang nasa loob ay sasagot, ‘Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!’ Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya'y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya. At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan. Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda? O kung siya'y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan?