Minsan ay nananalangin si Jesus sa isang lugar. Pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kanya ng isa sa mga tagasunod niya, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa mga tagasunod niya.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag nananalangin kayo, ganito ang sabihin ninyo: ‘Ama, sambahin nawa kayo ng mga tao. Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari. Bigyan nʼyo po kami ng makakain sa araw-araw. At patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan, dahil pinapatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin. At huwag nʼyo kaming hayaang matukso.’ ” Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, pumunta kayo sa kaibigan ninyo isang hatinggabi at sinabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiram naman diyan ng tatlong tinapay, dahil dumating ang isang kaibigan ko na galing sa paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ Sasagot ang kaibigan mo mula sa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong istorbohin. Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng mga anak ko. Hindi na ako makakabangon pa para bigyan ka ng kailangan mo.’ Ang totoo, kahit ayaw niyang bumangon at magbigay sa inyo sa kabila ng inyong pagkakaibigan, babangon din siya at magbibigay ng kailangan ninyo dahil sa inyong pagpupumilit. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo sa Dios, at bibigyan niya kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang inyong hinahanap, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo. Sapagkat ang lahat ng humihingi ay nakakatanggap; ang naghahanap ay nakakakita; at ang kumakatok ay pinagbubuksan. Kayong mga magulang, kung ang anak nʼyo ay humihingi ng isda, ahas ba ang ibibigay ninyo? At kung humihingi siya ng itlog, alakdan ba ang ibibigay ninyo?
Basahin Lucas 11
Makinig sa Lucas 11
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Lucas 11:1-12
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas