Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 10:17-24

LUCAS 10:17-24 ABTAG01

Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!” At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit. Tingnan ninyo, binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.” Nang oras ding iyon, nagalak siya sa Espiritu Santo at sinabi, “Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong ikinubli ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakakalugod sa iyong harapan. Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak, maliban sa Ama, at kung sino ang Ama maliban sa Anak at kaninumang ninanais ng Anak na pagpahayagan niya.” At pagharap niya sa mga alagad ay palihim niyang sinabi, “Mapapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa LUCAS 10:17-24