Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 1:1-38

LUCAS 1:1-38 ABTAG01

Yamang marami ang nagsikap mag-ayos ng isang kasaysayan tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna natin, ayon sa ipinaalam sa atin ng mga taong buhat sa pasimula ay mga saksing nakakita at mga tagapangaral ng salita, ay minabuti ko naman, pagkatapos na siyasating mabuti ang lahat ng mga pangyayari buhat sa pasimula, na sumulat ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo. Nang panahon ni Haring Herodes ng Judea, may isang paring ang pangalan ay Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron na ang pangalan ay Elizabeth. Sila'y kapwa matuwid sa harapan ng Diyos, at nabubuhay na walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na. Samantalang naglilingkod siya sa Diyos bilang pari at ang kanyang pangkat ang nanunungkulan, ayon sa kaugalian ng mga pari, napili siya sa pamamagitan ng palabunutan na pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso. At sa oras ng paghahandog ng insenso, ang napakaraming tao ay nananalangin sa labas. Nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng dambana ng insenso. Nang makita niya ang anghel, nasindak at natakot si Zacarias. Subalit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat pinakinggan ang panalangin mo at ang asawa mong si Elizabeth ay magsisilang sa iyo ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siya sa pangalang Juan. Ikaw ay magkakaroon ng kaligayahan at kagalakan at marami ang matutuwa sa kanyang pagsilang. Sapagkat siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon, at hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin. Siya'y mapupuno ng Espiritu Santo mula pa sa sinapupunan ng kanyang ina. Marami sa mga anak ni Israel ang panunumbalikin niya sa Panginoon nilang Diyos. Siya'y lalakad sa unahan niya sa espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papanumbalikin ang mga puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan sa Panginoon.” Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko malalamang gayon nga? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay puspos na ng mga araw.” At sinagot siya ng anghel, “Ako si Gabriel na tumatayo sa harapan ng Diyos. Ako'y sinugo upang makipag-usap at ipahayag sa iyo itong magandang balita. Subalit ngayon, sapagkat hindi ka naniwala sa aking mga salita na magaganap sa kanilang kapanahunan, ikaw ay magiging pipi at di makapagsasalita, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito.” Samantala, hinihintay ng mga tao si Zacarias at nagtaka sila sa kanyang pagtatagal sa loob ng templo. Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Inakala nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Siya'y nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga hudyat, at siya'y nanatiling pipi. Nang matapos na ang mga araw ng kanyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kanyang bahay. Pagkalipas ng mga araw na ito ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Siya ay nagtago nang limang buwan, na nagsasabi, “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang bigyang-pansin upang alisin ang aking kahihiyan sa gitna ng mga tao.” Nang ikaanim na buwan, sinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea, na tinatawag na Nazaret, sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaki, na ang pangalan ay Jose, mula sa sambahayan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria. Lumapit ang anghel sa kanya, at sinabi, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.” Subalit siya'y lubhang naguluhan sa sinabing iyon at inisip niya sa kanyang sarili kung anong uri ng pagbati kaya ito. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatagpo ka ng paglingap sa Diyos. At ngayon, maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Siya'y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman at hindi magwawakas ang kanyang kaharian.” Sinabi ni Maria sa anghel, “Paanong mangyayari ito, samantalang ako'y wala pang nakikilalang lalaki.” At sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos. Si Elizabeth na iyong kamag-anak ay naglihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog. Sapagkat sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.” At sinabi ni Maria, “Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa LUCAS 1:1-38