Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LEVITICO 26:1-13

LEVITICO 26:1-13 ABTAG01

“Huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyus-diyosan, ni magtatayo kayo ng larawang inanyuan o haliging pinakaalaala, ni huwag kayong maglalagay ng batong inanyuan sa inyong lupain, upang inyong yukuran iyon, sapagkat ako ang PANGINOON ninyong Diyos. Inyong iingatan ang aking mga Sabbath, at inyong igagalang ang aking santuwaryo: Ako ang PANGINOON! “Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga utos, at gagawin ang mga iyon, ay bibigyan ko kayo ng ulan sa kanilang kapanahunan, at ang lupain ay magbibigay ng kanyang ani, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga. Ang inyong paggiik ay aabot hanggang sa pag-aani ng mga ubas, at ang pag-aani ng ubas ay aabot sa panahon ng paghahasik; at kakainin ninyo ang inyong pagkain hanggang magkaroon kayo ng sapat at mabubuhay kayong tiwasay sa inyong lupain. Magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at wala kayong katatakutan. Aking aalisin sa lupain ang mababangis na hayop, at hindi daraanan ng tabak ang inyong lupain. Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at sila'y mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak. At lima sa inyo'y hahabol sa isandaan, at isandaan sa inyo'y hahabol sa sampung libo; at ang inyong mga kaaway ay mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak. At lilingapin ko kayo, at gagawin ko kayong mabunga. Pararamihin ko kayo at papagtibayin ko ang aking tipan sa inyo. Kakainin ninyo ang matagal nang inilaan, at inyong ilalabas ang luma dahil sa bago. At ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo, at ang aking sarili ay hindi mapopoot sa inyo; at ako'y laging lalakad sa gitna ninyo. Ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto upang hindi na kayo maging alipin nila; at aking sinira ang mga kahoy ng inyong pamatok at pinalakad ko kayo ng matuwid.