Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron,
“Magsalita kayo sa mga anak ni Israel, at inyong sabihin sa kanila: Kapag ang isang lalaki ay mayroong tulo mula sa kanyang katawan, siya ay marumi dahil sa kanyang tulo.
At ito ang batas tungkol sa kanyang pagiging marumi dahil sa kanyang tulo. Maging ang kanyang katawan ay may tulo, o huminto na ang tulo sa kanyang katawan, ito ay karumihan sa kanya.
Bawat higaang mahigaan ng may tulo ay magiging marumi; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi.
At sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
Ang umupo sa anumang bagay na inupuan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
Ang humipo ng katawan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
Kung ang may tulo ay lumura sa taong malinis, maglalaba siya ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, magiging marumi siya hanggang sa paglubog ng araw.
Ang bawat upuang sapin na sakyan ng may tulo ay magiging marumi.
Sinumang taong humipo ng alinmang bagay na nasa ilalim niya, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang magdala ng mga bagay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
Sinumang mahipo ng may tulo na hindi nakapaghugas ng kanyang mga kamay sa tubig, maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
Ang sisidlang-lupa na mahipo ng may tulo ay babasagin, at ang lahat ng sisidlang-kahoy ay babanlawan ng tubig.
“At kapag ang may tulo ay luminis na sa kanyang tulo ay bibilang siya ng pitong araw sa kanyang paglilinis, at maglalaba ng kanyang mga damit. Paliliguan din niya ang kanyang katawan sa tubig na umaagos, at magiging malinis.
Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, at haharap siya sa PANGINOON sa pasukan ng toldang tipanan, at ibibigay niya ang mga ito sa pari.
Ihahandog ng pari ang mga ito, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng PANGINOON, dahil sa kanyang tulo.