JUDAS 1
1
Pagbati
1Si#Mt. 13:55; Mc. 6:3 Judas, na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal ng Diyos Ama, at iniingatan para kay Jesu-Cristo:#1:1 o ni Jesu-Cristo.
2Ang kaawaan, kapayapaan at pag-ibig ay pasaganain nawa sa inyo.
Ipaglaban ang Pananampalataya
3Mga minamahal, samantalang ako'y lubusang nagsisikap na sumulat sa inyo tungkol sa ating iisang kaligtasan, natagpuan kong kailangang sumulat upang himukin kayo na ipaglaban ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal.
4Sapagkat may ilang taong nakapasok nang lihim, ang mga iyon ay matagal nang itinalaga sa kahatulang ito, mga hindi maka-Diyos, na kanilang pinalitan ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos, at itinatatuwa ang kaisa-isa nating Pinuno at Panginoon na si Jesu-Cristo.
Kaparusahan sa mga Bulaang Guro
5Ngayon#Exo. 12:51; Bil. 14:29, 30 ay nais kong ipaalala sa inyo, bagama't alam na alam ninyo ang mga bagay na ito, na minsang iniligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya ang mga hindi sumampalataya.
6At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.
7Gayundin#Gen. 19:1-24 ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot ng mga ito, na gumawa naman ng pakikiapid at nalulong sa kakaibang laman, ay inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan.
8Gayunma'y ang mga ito rin na mahilig managinip ay dinudumihan ang laman, at hinahamak ang mga may kapangyarihan at nilalait ang mga maluwalhating mga anghel.
9Subalit#Dan. 10:13, 21; 12:1; Apoc. 12:7; Deut. 34:6; Zac. 3:2 si Miguel na arkanghel nang makipaglaban sa diyablo, at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng isang hatol na may pag-alipusta laban sa kanya, kundi sinabi, “Sawayin ka nawa ng Panginoon.”
10Subalit inaalipusta ng mga ito ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan, at sa pamamagitan ng mga bagay na likas nilang nalalaman, kagaya ng mga hayop na walang pag-iisip, sila'y winawasak.
11Kahabag-habag#Gen. 4:3-8; Bil. 22:1-35; Bil. 16:1-35 sila! Sapagkat sila'y lumakad sa daan ni Cain, at sumunggab sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at napahamak sa paghihimagsik ni Kora.
12Ang mga taong ito'y pawang mga batong natatago#1:12 o mga batik. sa inyong mga pagsasalu-salong may pag-ibig kapag sila'y nakikipagsalo sa inyo nang walang takot, na ang pinapangalagaan lamang ay ang kanilang sarili. Sila'y mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punungkahoy na walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na dalawang ulit na namatay, na binunot hanggang ugat;
13nagngangalit na alon sa dagat, na pinabubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga pagala-galang bituin, na silang pinaglaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman.
14At#Gen. 5:18, 21-24 sa mga ito rin naman si Enoc, na ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay nagpahayag na sinasabi, “Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kanyang laksa-laksang mga banal,
15upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa na kanilang ginawang may kalikuan, at sa lahat ng mga bagay na malupit na sinalita sa kanya ng mga hindi maka-Diyos na makasalanan.”
16Ang mga iyon ay mga mapagbulong, mga mareklamo, na lumalakad ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pagmamataas, na pakunwaring pumupuri sa mga tao para sa sariling kapakinabangan.
Mga Babala at mga Paalala
17Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
18sapagkat#2 Ped. 3:3 sinabi nila sa inyo, “Magkakaroon ng mga manlilibak sa huling panahon, na lumalakad ayon sa kanilang sariling masasamang pagnanasa.”
19Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, na mga hindi nagtataglay ng Espiritu.
20Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya; manalangin sa Espiritu Santo;
21ingatan ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, na inyong hintayin ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan.
22At ang ibang nag-aalinlangan ay inyong kahabagan;
23ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo mula sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan maging ang damit na nadungisan ng laman.
Basbas
24Ngayon sa kanya na may kakayahang mag-ingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan sa harapan ng kanyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan,
25sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon, sumakanya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang kapangyarihan at ang kapamahalaan, bago pa ang lahat ng panahon, at ngayon at magpakailanman. Amen.
Kasalukuyang Napili:
JUDAS 1: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001