Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOSUE 5:1-9

JOSUE 5:1-9 ABTAG01

Nang mabalitaan ng lahat ng mga hari ng mga Amoreo na nasa kabila ng Jordan sa dakong kanluran, at ng lahat ng mga hari ng mga Cananeo na nasa tabing dagat, kung paanong pinatuyo ng PANGINOON ang tubig ng Jordan sa harapan ng mga anak ni Israel, hanggang sa sila ay nakatawid, nanlumo ang kanilang puso, at sila'y nasiraan ng loob dahil sa mga anak ni Israel. Nang panahong iyon ay sinabi ng PANGINOON kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na yari sa batong kiskisan at muli mong tuliin sa ikalawang pagkakataon ang mga anak ni Israel.” Kaya't gumawa si Josue ng mga patalim na yari sa batong kiskisan, at tinuli ang mga anak ni Israel sa Gibeat-haaralot. Ito ang dahilan kung bakit tinuli sila ni Josue: ang lahat ng mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, samakatuwid ay ang lahat na lalaking mandirigma na namatay sa ilang sa daan, pagkatapos na sila'y makalabas mula sa Ehipto. Bagama't ang buong bayan na lumabas ay mga tuli, ang buong bayan na ipinanganak sa ilang sa daan pagkalabas sa Ehipto ay hindi natuli. Sapagkat ang mga anak ni Israel ay lumakad na apatnapung taon sa ilang, hanggang sa ang buong bansa, samakatuwid, ang mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, ay nalipol, sapagkat hindi nila dininig ang tinig ng PANGINOON. Sa kanila'y isinumpa ng PANGINOON na hindi niya ipapakita ang lupain na ipinangako ng PANGINOON sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa atin, ang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. Kaya't tinuli ni Josue ang kanilang mga anak na ipinanganak na kahalili nila, sapagkat hindi sila tuli, yamang hindi sila tinuli sa daan. Nang kanilang matuli na ang buong bansa, nanatili sila sa kanilang mga lugar sa kampo hanggang sa sila'y gumaling. At sinabi ng PANGINOON kay Josue, “Sa araw na ito ay iginulong ko palayo sa inyo ang kahihiyan ng Ehipto.” Kaya't ang pangalan ng lugar na iyon ay tinawag na Gilgal hanggang sa araw na ito.