JOSUE 22
22
Pinauwi ni Josue ang Lipi mula sa Silangan
1Pagkatapos ay tinawag ni Josue ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases,
2at#Bil. 32:20-32; Jos. 1:12-15 sinabi sa kanila, “Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, at inyong pinakinggan ang aking tinig sa lahat ng aking iniutos sa inyo;
3hindi ninyo pinabayaan nitong maraming araw ang inyong mga kapatid hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang tagubilin ng Panginoon ninyong Diyos.
4At ngayo'y binigyan ng Panginoon ninyong Diyos ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, gaya ng ipinangako niya sa kanila. Kaya't ngayo'y bumalik kayo at humayo sa inyong mga tolda sa lupaing kinaroroonan ng inyong ari-arian na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan.
5Maingat ninyong gawin ang utos at batas na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga utos, manatili at maglingkod sa kanya nang inyong buong puso at kaluluwa.”
6Kaya't binasbasan sila ni Josue at pinahayo sila at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda.
7Sa kalahating lipi ni Manases ay nagbigay si Moises ng pag-aari sa Basan; ngunit ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue ng pag-aari kasama ng kanilang mga kapatid sa kabila ng Jordan sa dakong kanluran. Bukod dito'y, binasbasan sila ni Josue nang kanyang pauwiin sila sa kanilang mga tolda,
8at sinabi sa kanila, “Kayo'y bumalik sa inyong mga tolda na may maraming kayamanan, maraming hayop, pilak, ginto, tanso, bakal, at maraming kasuotan. Hatiin ninyo sa inyong mga kapatid ang nasamsam mula sa inyong mga kaaway.”
9Kaya't ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay bumalik at humiwalay sa mga anak ni Israel sa Shilo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumunta sa lupain ng Gilead, ang kanilang lupain na kanilang naging pag-aari, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Dambana sa Tabi ng Jordan
10Nang sila'y dumating malapit sa lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng isang napakalaking dambana sa tabi ng Jordan.
11At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, “Tingnan ninyo, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan, sa bahaging pag-aari ng mga anak ni Israel sa lupain ng Jordan.”
12Nang ito ay marinig ng mga anak ni Israel, ang buong kapulungan ay nagtipon sa Shilo upang makipagdigma laban sa kanila.
13At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Gilead, si Finehas na anak ng paring si Eleazar.
14Kasama niya ay sampung pinuno, isang pinuno sa bawat sambahayan ng mga magulang sa bawat isa sa mga lipi ng Israel; at bawat isa sa kanila'y pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang sa mga angkan ng Israel.
15At sila'y dumating sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Gilead, at sinabi nila sa kanila,
16“Ganito#Deut. 12:13, 14 ang sinabi ng buong kapulungan ng Panginoon, ‘Anong kataksilan itong inyong ginawa laban sa Diyos ng Israel sa pagtalikod sa araw na ito mula sa pagsunod sa Panginoon, sa pamamagitan ng inyong pagtatayo ng isang dambana bilang paghihimagsik laban sa Panginoon?
17Hindi#Bil. 25:1-9 pa ba sapat ang kasalanan sa Peor na kung saan ay hindi pa natin nalilinis ang ating mga sarili, kaya't dumating ang salot sa kapulungan ng Panginoon,
18upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? At kung kayo'y maghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magagalit siya bukas sa buong kapulungan ng Israel.
19Gayunman, kung ang inyong lupain ay marumi, dumaan kayo sa lupain ng Panginoon, na kinatatayuan ng tabernakulo ng Panginoon at kumuha kayo ng pag-aari kasama namin; huwag lamang kayong maghihimagsik laban sa Panginoon, o gawin kaming mga manghihimagsik sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Diyos.
20Hindi#Jos. 7:1-26 ba't si Acan na anak ni Zera ay nagtaksil tungkol sa itinalagang bagay, at ang poot ay bumagsak sa buong kapulungan ng Israel? Ang taong iyon ay namatay na hindi nag-iisa dahil sa kanyang kasamaan.’”
21Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pinuno ng mga sambahayan ng Israel.
22“Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Nalalaman niya; at hayaang malaman ng Israel! Kung paghihimagsik nga o kataksilan sa Panginoon, huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,
23sa pagtatayo namin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung aming ginawa upang paghandugan ng mga handog na sinusunog o handog na butil o handog pangkapayapaan, ay mismong ang Panginoon ang maghihiganti.
24Hindi, kundi ginawa namin iyon dahil sa takot na sa darating na panahon ay sasabihin ng inyong mga anak, ‘Anong pakialam ninyo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel?
25Sapagkat ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak nina Ruben at Gad; kayo'y walang bahagi sa Panginoon.’ Kaya't patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagsamba sa Panginoon.
26Kaya't aming sinabi, ‘Magtayo tayo ngayon ng isang dambana, hindi para sa handog na sinusunog, ni dahil sa alay man,
27kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya sa pamamagitan ng aming mga handog na sinusunog, alay, at mga handog pangkapayapaan; baka sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, “Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.”’
28At inakala namin, kapag ito ay sinabi sa amin o sa aming mga anak sa panahong darating, ay aming sasabihin, ‘Tingnan ninyo ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga ninuno, hindi para sa handog na sinusunog, ni sa alay, kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.’
29Huwag nawang mangyari sa amin na kami ay maghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana para sa handog na sinusunog, handog na butil, o alay na hindi sa dambana ng Panginoon nating Diyos na nakatayo sa harap ng kanyang tabernakulo.”
30Nang marinig ng paring si Finehas, at ng mga pinuno ng kapulungan ng mga puno ng mga angkan ng Israel na kasama niya ang mga sinabi ng mga anak nina Ruben, Gad, at Manases, sila ay nasiyahan.
31Sinabi ni Finehas na anak ng paring si Eleazar sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa mga anak ni Manases, “Sa araw na ito ay nalalaman namin na ang Panginoon ay kasama natin, sapagkat kayo'y hindi nagkasala ng kataksilang ito laban sa Panginoon. Ngayo'y inyong iniligtas ang mga anak ni Israel mula sa kamay ng Panginoon.”
32At si Finehas na anak ng paring si Eleazar at ang mga pinuno ay bumalik mula sa mga anak nina Ruben at Gad sa lupain ng Gilead, at nagtungo sa lupain ng Canaan, sa sambayanan ng Israel, at sila ay dinalhan nila ng balita.
33Ang ulat ay ikinatuwa ng mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Diyos at hindi na nagsalita pa ng pakikidigma laban sa kanila, na wasakin ang lupaing tinitirhan ng mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad.
34Ang dambana ay tinawag na Saksi ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: “Sapagkat,” wika nila, “ito ay saksi sa pagitan natin na ang Panginoon ay Diyos.”
Kasalukuyang Napili:
JOSUE 22: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001