Ngunit iyon ay ipinagdamdam nang labis ni Jonas at siya'y nagalit.
Siya'y nanalangin sa PANGINOON, at nagsabi, “O PANGINOON, di ba ito ang aking sinabi, nang ako'y nasa aking bayan pa? Kaya nga ako'y nagmadaling tumakas patungo sa Tarsis; sapagkat alam ko na ikaw ay Diyos na mapagpala, mahabagin, hindi kaagad nagagalit, sagana sa tapat na pag-ibig at nalulungkot sa kasamaan.
Kaya ngayon, O PANGINOON, ipinapakiusap ko sa iyo na kunin mo ang aking buhay, sapagkat mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.”
Sinabi ng PANGINOON, “Mabuti ba ang iyong ginagawa na magalit?”
Nang magkagayo'y lumabas si Jonas sa lunsod, naupo sa dakong silangan ng lunsod, at doo'y gumawa siya ng isang balag. Umupo siya sa ilalim ng lilim niyon, hanggang sa kanyang makita kung ano ang mangyayari sa lunsod.
At naghanda ang PANGINOONG Diyos ng isang halaman at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kanyang ulo, upang iligtas siya sa kanyang masamang kalagayan. Sa gayo'y tuwang-tuwa si Jonas dahil sa halaman.
Ngunit kinaumagahan nang sumunod na araw, naghanda ang Diyos ng isang uod na siyang sumira sa halaman, kaya't natuyo ito.
Nang sumikat ang araw, naghanda ang Diyos ng mainit na hanging silangan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, kaya't siya'y nahilo, at hiniling ng buong kaluluwa niya na siya'y mamatay. Sinabi niya, “Mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.”
Ngunit sinabi ng Diyos kay Jonas, “Mabuti ba ang ginagawa mo na magalit dahil sa halaman?” At kanyang sinabi, “Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan.”
Kaya't sinabi ng PANGINOON, “Ikaw ay nanghinayang sa halaman na hindi mo pinagpaguran o pinatubo man; ito ay tumubo sa isang gabi, at nawala sa isang gabi.
Hindi ba ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon na may mahigit sa isandaan at dalawampung libong katao na hindi nalalaman kung alin sa kanilang mga kamay ang kanan o ang kaliwa, at mayroon ding maraming hayop?”