JONAS 2
2
Ang Panalangin ni Jonas
1Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Diyos mula sa tiyan ng isda,
2at kanyang sinabi,
“Tinawagan ko ang Panginoon mula sa aking pagdadalamhati,
at siya'y sumagot sa akin;
mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw,
at iyong dininig ang aking tinig.
3Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman,
sa pusod ng dagat,
at ang tubig ay nasa palibot ko;
ang lahat ng iyong alon at iyong mga daluyong
ay umaapaw sa akin.
4Kaya't aking sinabi, ‘Ako'y inihagis
mula sa iyong harapan;
gayunma'y muli akong titingin
sa iyong banal na templo.’
5Kinukulong ako ng tubig sa palibot.
Ang kalaliman ay nasa palibot ko.
Ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo.
6Ako'y bumaba sa mga ugat ng mga bundok.
Ang lupain at ang mga halang nito ay nagsara sa akin magpakailanman.
Gayunma'y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay,
O Panginoon kong Diyos.
7Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay,
naalala ko ang Panginoon;
at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.
8Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
ay nagtatakuwil ng kanilang tunay na katapatan.
9Ngunit ako'y mag-aalay sa iyo
na may tinig ng pasasalamat.
Aking tutuparin ang aking ipinanata.
Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon!”
10At inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa.
Kasalukuyang Napili:
JONAS 2: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001