Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOEL 1:13-20

JOEL 1:13-20 ABTAG01

Magbigkis kayo ng damit-sako at tumaghoy, O mga pari at tumaghoy, manangis, kayong mga lingkod sa dambana. Halikayo, palipasin ninyo ang magdamag na suot ang damit-sako, O mga lingkod ng aking Diyos! Sapagkat ang handog na butil at ang handog na inumin ay ipinagkait sa bahay ng inyong Diyos. Magtakda kayo ng pag-aayuno, tumawag kayo ng isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang matatanda at ang lahat ng naninirahan sa lupain sa bahay ng PANGINOON ninyong Diyos, at dumaing kayo sa PANGINOON. Kahabag-habag ang araw na iyon! Sapagkat ang araw ng PANGINOON ay malapit na, at ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat. Hindi ba ang pagkain ay inalis sa ating harapan, ang kagalakan at kasayahan mula sa bahay ng ating Diyos? Ang mga binhi ay natutuyo sa ilalim ng lupa, ang mga kamalig ay walang laman, ang mga imbakan ay wasak; sapagkat walang trigo. Nag-uungalan ang mga hayop! Ang mga kawan ng mga baka ay nalilito sapagkat wala silang pastulan; pati ang mga kawan ng tupa ay nagdurusa. O PANGINOON, tumatawag ako sa iyo. Sapagkat tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang, at sinunog ng apoy ang lahat ng punungkahoy sa parang. Maging ang mga hayop sa bukid ay humihingal sa iyo; sapagkat ang mga tubig sa batis ay natutuyo, at tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang.