JOB 7
7
Nagreklamo si Job sa Diyos
1“Wala bang mahirap na paglilingkod ang tao sa ibabaw ng lupa?
At hindi ba ang kanyang mga araw ay gaya ng mga araw ng isang taong upahan?
2Gaya ng alipin na naghahangad ng lilim,
at gaya ng upahang manggagawa na sa kanyang sahod ay tumitingin,
3gayon ako pinaglaanan ng mga buwan na walang kabuluhan,
at itinakda sa akin ang mga gabi ng kalungkutan.
4Kapag ako'y nahihiga, aking sinasabi, ‘Kailan ako babangon?’
Ngunit mahaba ang gabi,
at ako'y pabali-baligtad hanggang sa pagbubukang-liwayway.
5Ang aking laman ay nadaramtan ng mga uod at ng libag;
tumitigas ang aking balat, pagkatapos ay namumutok.
6Ang aking mga araw ay matulin kaysa panghabi ng manghahabi,
at nagwawakas na walang pag-asa.
7“Alalahanin mo na ang aking buhay ay isang hininga;
hindi na muling makakakita ng mabuti ang aking mata.
8Ang mata niyang nakatingin sa akin ay hindi na ako muling makikita;
habang ang iyong mga mata ay nakatuon sa akin, ako ay maglalaho.
9Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala,
gayon hindi na aahon pa ang taong sa Sheol ay bumababa.
10Hindi na siya babalik pa sa kanyang bahay,
ni hindi na siya makikilala ng kanyang lugar.
11“Kaya't hindi ko pipigilan ang aking bibig;
ako'y magsasalita sa kadalamhatian ng aking espiritu;
ako'y dadaing sa kapaitan ng aking kaluluwa.
12Ako ba'y dagat, o dambuhala sa dagat,
upang maglagay ka ng bantay sa akin?
13Kapag sinasabi ko, ‘Aaliwin ako ng aking tulugan,
pagagaanin ng aking higaan ang aking pagdaramdam.’
14Kung magkagayo'y tinatakot mo ako ng mga panaginip,
at sinisindak ako ng mga pangitain,
15anupa't pinipili ng aking kaluluwa ang pagkabigti
at ang kamatayan kaysa aking mga buto.
16Kinasusuklaman ko ang aking buhay; ayaw kong mabuhay magpakailanman.
Hayaan mo akong mag-isa, sapagkat ang aking mga araw ay parang isang hininga.
17Ano#Awit 8:4; 144:3 ang tao, na itinuturing mong dakila,
at iyong itinutuon ang iyong isip sa kanya,
18at iyong dinadalaw siya tuwing umaga,
at sinusubok siya sa tuwi-tuwina?
19Gaano katagal mo akong hindi titingnan
ni babayaan akong nag-iisa hanggang sa malunok ko ang aking laway?
20Kung ako'y nagkasala, ano ang aking magagawa sa iyo, O ikaw na bantay sa mga tao?
Bakit ginawa mo akong iyong tudlaan?
Bakit ako'y naging iyong pasan?
21At bakit hindi mo ipinatatawad ang aking pagsalangsang,
at inaalis ang aking kasamaan?
Sapagkat ngayo'y mahihiga ako sa alabok;
ako'y hahanapin mo ngunit ako'y hindi matatagpuan.”
Kasalukuyang Napili:
JOB 7: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001