JOB 41
41
1“Mahuhuli#Awit 74:14; 104:26; Isa. 27:1 mo ba ang Leviatan#41:1 LEVIATAN: Maaaring buwaya. sa pamamagitan ng bingwit?
O mailalabas mo ba ang kanyang dila sa pamamagitan ng lubid?
2Makapaglalagay ka ba sa kanyang ilong ng isang lubid?
O mabubutas ang kanyang panga ng isang kawit?
3Makikiusap ba siya ng marami sa iyo?
O magsasalita ba siya sa iyo ng mga salitang malumanay?
4Makikipagtipan ba siya sa iyo,
upang maging alipin mo magpakailanman?
5Makikipaglaro ka ba sa kanya na gaya sa isang ibon?
O tatalian mo ba siya para sa iyong kadalagahan?
6Makikipagtawaran ba para sa kanya ang mga mangangalakal?
Sa mga negosyante siya kaya'y paghahatian?
7Mahihiwa mo ba ng patalim na bakal ang kanyang balat,
o ang kanyang ulo ng sa isda ay pangsibat?
8Pagbuhatan mo siya ng kamay;
isipin mo ang paglalaban, at hindi mo na ito gagawin kailanman!
9Narito, ang pag-asa ng tao ay nabibigo,
siya'y pinabababa kahit makita lamang niya ito.
10Walang napakabagsik upang mangahas na siya'y mapagalaw,
sino ngayon siya na makakatayo sa aking harapan?
11Sinong nagbigay sa akin, na dapat ko siyang bayaran?
Sa akin ang anumang nasa silong ng buong kalangitan.
12“Hindi ako tatahimik tungkol sa kanyang mga bisig,
ni sa kanya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kanya mang mainam na hugis.
13Sinong makapaghuhubad ng kanyang damit na panlabas?
Sinong makatatagos sa kanyang dobleng damit-kalasag?
14Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kanyang mukha?
Pagkasindak ang nasa palibot ng ngipin niya.
15Ang kanyang likod ay gawa sa hanay ng mga kalasag
na pinagdikit tulad sa isang pantatak.
16Ang isa'y napakalapit sa iba pa,
anupa't walang hangin na makaraan sa pagitan nila.
17Ang isa't isa'y magkakabit,
hindi maihihiwalay, pagka't nagkakalakip.
18Ang kanyang mga pagbahin ay nagsisiklab ng tanglaw,
at ang kanyang mga mata ay gaya ng talukap mata ng bukang-liwayway.
19Sa bibig niya'y lumalabas ang nagliliyab na sulo;
mga alipatong apoy ay nagsisilukso.
20Sa mga butas ng kanyang ilong may usok na lumalabas,
gaya ng mula sa isang kumukulong kaldero at mga talahib na nagniningas.
21Nagpapaningas ng mga uling ang kanyang hininga,
at may apoy na lumalabas sa bibig niya.
22Sa kanyang leeg ay nananatili ang kalakasan,
at ang sindak ay sumasayaw sa kanyang harapan.
23Ang mga kaliskis ng kanyang laman ay magkakadikit,
matibay ang pagkakabit sa kanya at hindi maaalis.
24Kasintigas ng bato ang kanyang puso,
matigas na gaya ng panggiling na bato.
25Kapag siya'y tumitindig ang mga makapangyarihan ay natatakot,
nawawala sila sa sarili dahil sa kanyang kalabog.
26Kahit na tamaan siya ng tabak, ito ay hindi tumatalab;
ni ng sibat man, ng palaso, ni ng mahabang pangsibat.
27Itinuturing niyang parang dayami ang bakal,
at ang tanso ay parang bulok na kahoy lamang.
28Hindi siya mapapatakbo ng palaso,
sa kanya'y nagiging pinaggapasan ang mga pantirador na bato.
29Ang mga pamalo ay itinuturing na pinaggapasan,
ang langitngit ng mga sibat ay kanyang tinatawanan.
30Ang kanyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng matatalas na bibinga;
parang paragos ng giikan kung siya'y bumubuka.
31Kanyang pinakukulo ang kalaliman na parang palayok;
ginagawa niya ang dagat na parang isang palayok ng pamahid na gamot.
32Sa likuran ay nag-iiwan siya ng bakas na kumikinang,
aakalain ng sinuman na ubanin ang kalaliman.
33Walang gaya niya sa ibabaw ng lupa,
isang walang takot na nilikha.
34Kanyang minamasdan ang bawat mataas na bagay;
siya'y hari sa lahat ng mga anak ng kapalaluan.”
Kasalukuyang Napili:
JOB 41: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001